Mandatory ROTC, inihain sa Kamara

Manila, Philippines – Ipinababalik na ng Kamara ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga nasa Grades 11 at 12 (Senior High School) sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa.

Inihain ni Deputy Speaker Raneo Abu ang House Bill 2087 na layong amyendahan ang Republic Act no. 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.

Gagawing requirement sa graduation ang pagsailalim sa ROTC training.


Exempted naman sa ROTC ang mga estudyanteng hindi physically o psychologically fit; ang mga dumaan na o patuloy pang sumasalang sa kahalintulad na military training at may mga iba pang valid reasons na aprubado ng Department of National Defense (DND).

Binigyang diin sa panukala ang kahalagahan na maipamulat sa kabataan ang pagiging disiplinado at makabayan at pagkakaroon ng kakayahang ipagtanggol ang kanilang pamilya at ang bayan.

Nakasaad sa bill na sasailalim ang mga estudyante sa basic military training, civic training para maging aktibo sa mga gawaing may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran, Disaster Risk Reduction And Management at iba pa.

Ang DND, Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang bubuo ng ROTC program.

Facebook Comments