Mandatory ROTC sa grades 11 at 12, aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na ibalik ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa mga nasa Grades 11 at 12 (senior high school) sa mga pampubliko at pribadong eskuwelahan sa buong bansa.

 

Sa botong 167 pabor, 4 tutol ay naaprubahan sa huling pagbasa ang naturang panukala.

 

Layon ng House Bill 8961 na amyendahan ang Republic Act No. 7077 o ang Citizen Armed Forces of the Philippines Reservist Act.


 

Sa ilalim nito, ipinamumulat sa kabataan ang pagiging makabayan, pagrespeto sa karapatang pantao at pagsunod sa Konstitusyon.

 

Ituturo rin sa kanila ang pagseserbisyo publiko at ang mga trabaho ng militar, pulisya, BJMP, Coast Guard, Department of Health at DSWD.

 

Magiging requirement sa graduation ang pagsasailalim sa ROTC training.

 

Gayunman, sinasabing exempted sa pagsasanay sa ROTC ang mga estudyante na hindi maituturing na physically o psychologically fit; ang mga dumaan o patuloy pang sumasalang sa military training; at ang mga pinili ng eskuwelahan na magsilbing varsity player na pambato sa sports competition.

Facebook Comments