Mandatory ROTC sa senior high school, suportado ng mas nakararaming Pinoy

Isa si Senator Win Gatchalian sa mga sumusuporta sa binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa kaniyang State of the Nation Address na mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa senior high school.

Diin ni Gatchalian, malinaw sa pinakahuling Pulse Asia Survey na isinagawa noong Hunyo 24-27 na mas nakakarami sa mga Pilipino ang pabor sa pagpapatupad ng ROTC.

Tinukoy ni Gatchalian na 69% sa 1,200 na kalahok sa survey ang pabor sa ROTC para sa senior high school, 16% ang hindi sang-ayon, at 15% ang wala pang pasya kung sang-ayon sila o hindi.


Base sa panukala ni Gatchalian, magiging bahagi ng basic ROTC program ang basic military training para sa mga kabataan upang pag-ibayuhin ang kanilang kahandaan para sa national defense preparedness at sa civil-military operations.

Nilinaw naman ni Gatchalian sa kaniyang panukala na walang mag-aaral na mas bata sa labing-walong gulang ang maaaring makilahok nang direkta sa labanan.

Ayon kay Gatchalian, Bahagi rin ng programa ang civic training at preparedness sa mga disaster response operations para mapaigting ang kakayahan ng bansa na magkaroon ng sapat na manpower at palawakin ang human resources sa panahon ng digmaan, kalamidad, unos, at mga sakuna.

Makatutulong din ang ROTC laban sa mga krimen sa pamamagitan ng mga trained reservists.

Pagtiyak ni Gatchalian, may mga safeguards ang kaniyang panukala at itinatakda din nito ang pagbuo ng mga Grievance Committee na tatanggap sa mga reklamo at magsasagawa ng mga imbestigasyon sa mga alegasyon ng pang-aabuso, karahasan, at korapsyon.

Facebook Comments