Naniniwala si National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa na maaari nang ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila.
Ayon kay Herbosa, nasa 80% na ang vaccination rate ng Pilipinas na mas maganda kumpara sa ibang first world country.
Aniya, malaki rin ang maitutulong ng pagbabakuna sa general population para lalong maibaba ang alert level status sa rehiyon.
“Yung ating vaccination rate, napakataas na dito sa Metro Manila tapos mag-uumpisa pa tayo sa kabataan, so palagay ko hindi tayo madidisgrasya kahit bumaba tayo sa Alert Level 3,” saad ni Herbosa sa interview ng RMN Manila.
Sa isyu naman ng mandatory vaccination, naniniwala si Herbosa na hindi pa napapanahon para magkaroon ng batas na mag-oobliga sa lahat na magpabakuna.
Pero aniya, maaari itong gawing mandatory sa mga high risk workers sa COVID-19 gaya ng mga doktor at nurse.
“Hindi pa siguro yung mandatory na batas pa talaga ‘no. Palagay ko, ang maganda ay mandatory doon sa mga high risk kagaya ng ginawa sa Estados Unidos, yung mga doktor at nurse na ayaw magpabakuna ay hindi nila papasukin sa ospital,” ani Herbosa.
“So, may mga trabaho na dapat sila ay mandatory, vaccinated sila kasi sila ay exposed or mataas ang tiyansang mahawa. Pero yung vaccination mandate, siguro matagal pa yan kasi experimental pa rin lahat ng bakuna. Ibig sabihin, mahirap magpa-mandate na hindi pa natin alam ang lahat ng long-term effect ng mga bakuna,” dagdag niya.
Maging ang vaccine expert na si Dr. Lulu Bravo ay pabor din na sibakin sa trabaho ang mga healthcare workers na tatangging magpabakuna.
“Kung ikaw ay health worker, doktor, nurse, dentist, aba ‘wag kang kumuha ng pasyente kasi yan din ang sinasabi natin na dapat ay hindi ka nanghahawa sa iba. Kung ayaw mong magpabakuna, wag! Sige! Pero ‘wag kang humawak ng mga pasyente kasi yan, parang sinabi mo na ikaw ay may HIV, alam mo na e bakita makikipag-sex ka pa sa iba,” giit ni Bravo.