Kinakailangang gawing mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ito ang gusto ni Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang Chairman ng National Task Force on COVID-19.
Aniya, lahat dapat ay may kontribusyon sa kalusugan ng komunidad.
Madali raw kasing mahahawa ng virus at magkaroon ng malalang epekto sa katawan ang mga hindi bakunado sakaling mahawa.
Hindi lang daw mahihirapan sa pagpapa-ospital ang mga ito kundi maari pa silang magkalat ng virus.
Sa ngayon aniya, dahil walang batas na nag-o-obligang magpabakuna, maari naman daw limitahan ang galaw ng mga hindi bakunado.
Partikular aniya ang hindi pagpayag na makapasok sa malls, restaurants, stadiums nang walang resulta ng RT-PCR swab test.
Habang ang mga empleyado naman na hindi nagpapabakuna, dapat daw ay linggo-linggong nagpapa-RT PCR swab test para makapasok sa trabaho.
Dagdag pa ng kalihim na kung siya ang tatanugin, hindi rin daw papayagang makapag-travel ang mga hindi bakunado.