Pinabulaanan ng lokal na pamahalaan ng Balaoan, La Union na walang sinumang personalidad ang inisyuhan ng business permit upang maningil ng pay parking sa mga dumarayo sa Immuki Island.
Ang paglilinaw ay nag-ugat sa ilang reklamo ng labis na paniningil at dumaraming bilang umano ng mga itinatalagang kolektor ng bayad sa mga pumaparadang sasakyan. May ilan umano na nagtatakda na ng singil na P100 kada sasakyan.
Giit ng tanggapan, boluntaryo ang pagbibigay ng bayad sa parking at walang itinakdang singil depende sa uri ng sasakyan.
Suhestyon naman ng ilang residente, dapat magpatupad ng ordinansa ang barangay council upang matutukan ang pananamantala sa pay parking.
Kaugnay nito, nanindigan ang lokal na pamahalaan na tututukan ang insidente upang hindi makaapekto sa lumalagong turismo ng Immuki Island sa bayan.
Hinikayat din ang mga bisita na kunin ang pangalan ng kolektor para sa kaukulang pagsisiyasat.










