MANGALDAN NATIONAL HIGH SCHOOL, PUSPUSAN ANG PAGSASAAYOS SA INIWANG BAKAS NG BAGYONG UWAN SA MGA PASILIDAD

Nakapanghihinayang—ganiyan kung ilarawan ng pamunuan ng Mangaldan National High School ang pinsalang iniwan ng Bagyong Uwan sa mga kagamitan ng paaralan.

Makikita na ilang puno ang nabuwal at ilang silid-aralan ang nasira, kabilang na ang ilang classroom na gumuho ang kisame dahil sa malakas na hangin at ulan.

Sa ekslusibong panayam kay Principal IV Eduardo B. Castillo, nagsilbing pansamantalang evacuation center din ang paaralan kung saan 71 pamilya o 432 katao ang tumuloy magdamag, bago nagsiuwian noong Lunes.

Bagaman bumubuti na ang lagay ng panahon, hindi pa tiyak kung maibabalik agad ang klase dahil tinututukan pa ang pamunuan sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng paaralan.

Pansamantala ring hindi muna binigyan ng learning modules ang mga mag-aaral upang mabigyang-pansin muna ang kanilang kalagayan at ng kanilang mga pamilya.

Kasalukuyan nang isinasagawa ang clearing operations, partikular sa mga lugar na tinamaan ng mga natumbang puno at debris.

Tiniyak naman ni Castillo na nakahanda ang guidance office ng paaralan upang tumulong sa mga mag-aaral na maaaring nakaranas ng trauma dulot ng bagyo, upang matulungang maibalik ang kanilang kapanatagan at kahandaan sa pag-aaral. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments