MANGALDAN PNP, NAGBABALA SA DUMARAMING KASO NG MOTORNAPPING SA BAYAN

Nagpahayag ng babala ang Mangaldan Municipal Police Station kaugnay ng dumaraming insidente ng motornapping sa bayan ng Mangaldan.

Matatandaang noong Pebrero 13, 14, at 18 ay sunod-sunod na naitalang ulat ng mga itinangay na motorsiklo.

Dalawa sa mga insidente ang nakuhanan ng CCTV sa Barangay Poblacion.

Dahil dito, pinayuhan ang mga may-ari ng motorsiklo na mag-ingat upang hindi mabiktima ng pagnanakaw.

Kabilang sa mga inirekomenda ang pagpaparada ng motorsiklo sa maliwanag at ligtas na lugar.

Binigyang-diin din ng pulisya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng alarm system at paggamit ng matitibay na kandado upang maiwasang matangay ang sasakyan.

Pinayuhan din ang publiko na huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa loob o ibabaw ng motorsiklo at maging mapagmasid sa paligid.

Samantala, patuloy ang mobile at foot patrol ng kapulisan, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga testigo at pangangalap ng ebidensya kaugnay ng imbestigasyon sa mga naitalang kaso.

Ayon sa pulisya, ang sinumang mapatunayang sangkot sa motornapping ay mananagot at mapaparusahan alinsunod sa umiiral na batas.

Facebook Comments