Dinagsa ng mga mamimili ang pamilihang bayan ng Mangaldan kahapon, Disyembre 23, dalawang araw bago ang pasko, bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang.
Ayon sa ilang mamimili, pinili nilang mamalengke nang mas maaga upang makabili ng mga pangunahing bilihin at maiwasan ang mas matinding siksikan sa susunod na araw.
Samantala, sinabi ng ilang manininda na kasabay ng pagdami ng mamimili ay ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin, partikular ng mga gulay, bunsod ng mataas na demand.
Inaasahang mas lalo pang dadami ang mga mamimili sa pamilihan hanggang sumapit ang pasko at bagong taon.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) – Ilocos Center for Health Development ang publiko na tiyaking ligtas at de-kalidad ang mga produktong binibili upang mapanatili ang kalusugan ngayong holiday season.









