Manggagawa na Top 5 Most Wanted Person, Kalaboso!

Aurora, Isabela – Mahaharap ngayon sa dalawang kaso ang tinaguriang Top 5 Most Wanted Person sa bayan ng Aurora matapos silbihan ng Warrant of Arrest pasado alas dose ng tanghali sa Brgy. San Pedro-San Pablo, Aurora, Isabela.

Kinilala ang nadakip na si Gilbert Arimbuyutan Regadio, trentay dos anyos, manggagawa, tubong Pemisias Bautista, Pangasinan ngunit residente ng Brgy. San Pedro-San Pablo, Aurora Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, inaresto ng mga kasapi ng PNP Aurora katuwang ng CIDG Ilocos Norte si Regadio matapos magpalabas ng Warrant of Arrest si Hukom Teodorico Alfonso P. Bauzon ng RTC Branch 50, Villasis Pangasinan dahil sa 4 counts na kasong Attempted Murder.


Inaresto rin si Regadio sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas naman ni Hukom Manuel F Pastor Jr. ng RTC Branch 50, Villasis, Pangasinan dahil sa kasong Frustrated Murder.

Samantala, makakalaya lamang ang akusado kung makakapaglagak ng inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000.00 para sa Frustrated Murder habang P120,000.00 bawat isa sa 4 counts Attempted Murder.

Dinala sa PNP Aurora si Regadio para sa kaukulang dokumentasyon at agad rin na itinurn-over sa CIDG Ilocos Norte, Laoag City.

Facebook Comments