Nanindigan ang grupong Federation of Free Workers (FFW) na hindi sagot ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill para mapuksa ang terorismo sa bansa kundi unyonismo umano ang dapat na kailangan upang ipagtanggol ang sarili at ipaglaban ang karapatan tungo sa mapang-abuso.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, nangangamba ang kanilang grupo na maging ang paraan ng unyonismo ay posibleng maging terorismo sa tingin ng gobyerno kapag naging batas na ang Anti-Terrorism Bill.
Paliwanag ni Atty. Matula, nagsagawa sila ng kilos protesta para hilingin sa Pangulo na i-veto na ang Anti-Terrorism Bill pero ipinatutupad pa rin umano nila ang social distancing sa kanilang hanay para matiyak na walang mahahawaan ng COVID-19.
Giit ng FFW, sa panahong ito ng pandemya at krisis sa ekonomiya ay naniniwala sila na hindi kailangan ng manggagawa ang Anti-Terrorism Bill dahil wala umano itong maitutulong ni kahit katiting sa paglaban at pagbangon ng bansa mula sa krisis.
Ang kailangan umano ng manggagawa ngayon ay trabaho, pagkain, kalayaan, at mga bagong polisiya na magdadala sa bansa sa mas mabuti at makataong normal.