Mangingisda sa Occidental Mindoro, arestado dahil sa paggamit ng bawal na paputok

Nalambat ng mga awtoridad ang isang mangingisda na pinaghihinalaang matagal nang gumagamit ng ilegal na paputok para makapanghuli ng isda sa karagaratan ng Lubang Island, Occidental Mindoro.

Ayon sa ulat ng Maritime Police Station na nakabase sa Municipality of Lubang, habang nagpapatrolya umano ang kanilang patrol boat ay namataan nila ang mangingisda sa kahina-hinalang pagkilos.

Agad umano nilang nilapitan ang mangingisda sa area ng Balabara Bahura, Barangay Ambil, Municipality of Looc Island at kanila itong inimbitahan dala ang huli nitong isda na tumitimbang ng limang kilo at nagkakahalaga ng market price na P350.00.

Lumabas sa pagsusuri ni BFAR Occidental Mindoro Fish Examiner Mr. Archie Rufon na nakitaan at nagpositibo ang mga isda sa mga palatandaang ginamitan ito ng pampasabog sa pangingisda dahil sa mga namuong dugo, pagkapunit ng air bladder, at pagkalagas ng mga kaliskis.

Sa kasalukuyan ay kinasuhan na sa piskalya ang hindi na pinangalanang mangingisda at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10654 (Isang Batas para Pigilan, Hadlangan, at Wakasan ang Ilegal, Hindi Naiaulat, at Hindi Regulated na Pangingisda).

Facebook Comments