MANGINGISDA, TRICYCLE DRIVER ARESTADO SA DALAWANG ANTI-DRUG OPERATION SA LA UNION

Higit ₱16,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat sa magkahiwalay na operasyon sa La Union na nauwi sa pagkakaaresto ng dalawang lalaki.

Unang naaresto ang isang 34-anyos na mangingisda sa Bauang kahapon, Nobyembre 26, kung saan nakumpiska ang dalawang gramo ng shabu na may tinatayang street value na ₱13,600.

Kasama sa nasabat na gamit ang buy-bust money, cellphone, at ilang kagamitan na ginagamit sa pagbebenta ng droga.

Samantala, sa isang operasyon sa Bangar, kaninang madaling araw, Nobyembre 27, isang 27-anyos na tricycle driver ang naaresto matapos mahuling may dalang 0.42 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱2,856.

Kasama rin dito ang buy-bust money, cellphone, ID, at gamit na tricycle.

Isinagawa ang parehong operasyon ng mga awtoridad sa pakikipagtulungan ng PDEA RO1, LUPDEU, at LUPIU, na sinigurong maayos ang inventory at marking ng lahat ng nakuhang ebidensya sa presensya ng mga saksi at ng mga naarestong suspek.

Ang mga naaresto ay kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Facebook Comments