MANGINGISDANG NAGNAKAW NG ₱67K SA BENTAHAN NG PINDANG SA SUAL, ARESTADO HABANG NAG-IINOM

Arestado habang nag-iinom sa isang KTV Bar, ang isang mangingisda matapos umanong nakawan ang isang manlalako ng pindang sa bayan ng Sual, Pangasinan.

Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-kwatro ng madaling araw nang mapansin ng babaeng biktima na nawawala ang kanyang bag na naglalaman ng humigit-kumulang ₱67,000 habang siya ay natutulog sa loob ng kanyang tindahan.

Bago ang insidente, napansin umano ng biktima ang suspek na palakad-lakad sa paligid ng tindahan at paulit-ulit na dumaraan kahit tumangging bumili ng paninda.

Agad na iniulat ng biktima ang insidente sa Sual Municipal Police Station na nagsagawa ng agarang beripikasyon at follow-up operation.

Natunton sa isang KTV Bar ang 36-anyos na lalaking suspek, residente ng Malasiqui, Pangasinan.

Nang komprontahin, kusa umanong inamin ng suspek ang pagnanakaw at isinuko ang perang tinangay sa biktima.

Sa isinagawang bilang, ₱14,650 na lamang ang narekober mula sa nawawalang halaga.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments