MANGO-BAMBOO FESTIVAL 2026, PINAGHAHANDAAN NA SA SAN CARLOS CITY

Pinaghahandaan na ng pamahalaang lungsod ng San Carlos ang Mango-Bamboo Festival 2026 matapos magsagawa ng isang coordination at planning meeting upang pagtibayin ang mga hakbang para sa maayos at ligtas na pagdaraos ng city fiesta.

Tinutukan sa pulong ang masinsinang pagpaplano ng mga aktibidad, kabilang ang mga hakbang sa crowd management, seguridad, at logistics, upang matiyak ang maayos na daloy ng mga programa sa panahon ng pagdiriwang.

Tinalakay rin ang pagpili ng opisyal na logo ng City Fiesta na gagamitin sa mga kaugnay na materyales at aktibidad ng pagdiriwang at magsisilbing simbolo ng pagkakaisa at pagmamalaki ng mga San Carlenean.

Ayon sa mga opisyal, ang Mango-Bamboo Festival ay hindi lamang isang selebrasyon kundi isang pagkakataon upang itampok ang kultura, lokal na produkto, at pagkakakilanlan ng lungsod, gayundin ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan.

Patuloy namang hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang publiko na maghintay sa mga susunod na anunsyo kaugnay ng opisyal na iskedyul at detalye ng mga aktibidad para sa naturang pagdiriwang.

Facebook Comments