Hindi pa tapos ang pakikipaglaban ng mga pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na Maguindanao Massacre noong 2009.
Ito ang pahayag ni Maguindanao at Cotabato City 2nd District Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu kasabay ng ika-11 taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre kung saan 58 ang pinaslang kabilang ang 32 journalist at kanyang asawa na noo’y maghahain lang dapat ng kanyang kandidatura sa pagka-gobernador.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Mangudadatu na masaya sila sa inisyal na hatol ng hukom noong December 2019 kung saan hinatulang guilty sa mga kasong murder ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pang mga dawit sa krimen.
Gayunman, ipinanawagan niya sa Department of Justice (DOJ) ang pagpapanagot sa iba pang indibidwal na aniya’y may mabigat na partisipasyon sa krimen na hindi naisama sa mga nakasuhan.
“May pinaglalaban pa rin tayo. Patuloy tayong nananawagan sa gobyerno lalo na sa DOJ na sana yung 80 na at large, mahuli na sa lalong madaling panahon. Nananawagan din tayo sa militar at mga kapulisan natin dahil nakakatakot pa rin hanggang ngayon. Marami na ring natatakot na mga witnesses natin,” ani Mangudadatu.
Umaasa rin si Mangudadatu na hindi pagbibigyan ng hukom ang apelang makalaya ang mga naunang hinatulang guilty sa krimen.
“Malaking tulong na magkaroon ng conviction doon sa unang wave. Pero patuloy pa rin silang umaapela rin at hinihikayat nila ang hukom na palayain sila. Sana hindi sila pagbigyan dahil halata naman at malinaw na sila yung gumawa ng karumal-dumal na pagpaslang,” dagdag pa ng kongresista.
Sa huli, umaasa si Mangudadatu na makakamit na nila ang buong hustisya at tuluyang nang mahihilom ang sugat na iniwan ng Maguindanao Massacre.
“Nandito pa rin sa puso ko, sa mga puso namin yung pait at galit. Oo nga, naghilom nga pero hindi natin pwedeng sabihin na walang bisa na yung ginawa nila,” ang pahayag ni Mangudadatu sa interview ng RMN Manila.