Manhunt operation laban kay Pastor Quiboloy, hindi na lang limitado sa Davao Region – PNP

Mas pinalawak ng Philippine National Police (PNP) ang manhunt operation laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

Ito’y matapos maglabas ang korte ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at limang iba pa kaugnay sa mga kasong may kinalaman sa sexual at child abuse.

Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, hindi lamang ang Davao City ang gagalugarin nang binuong tracker team kung hindi ang iba pang mga lugar na posibleng kinaroroonan ng pastor.


Ani Fajardo, hindi isinasantabi ng kapulisan ang posibilidad na nakalabas na ng Davao Region si Quiboloy ngunit wala pa rin naman aniyang indikasyon na nakalabas na ito ng bansa.

Una nang bumuo ng tracker team ang PNP para tuntunin ang kinaroroonan ni Quiboloy.

Pinamumunuan aniya ang nasabing tracker team ng Davao City Police katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI) kung saan 3 warrants of arrest ang kinakailangan nilang isilbi kay Quiboloy.

Facebook Comments