Manifest of Support, ibinigay ng PDP-Laban kay Pangulong Duterte para tumakbo bilang bise presidente sa 2022

Nagbigay ng Manifest of Support ang mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mensaheng binasa ni PDP-Laban Vice Chair Energy Sec. Alfonso Cusi, suportado ng buong partido ang pamumuno ni Pangulong Duterte.

Kasunod nito, hinihikayat ng Partido si Pangulong Duterte na tumakbong bise presidente sa 2022.


Ayon kay Cusi, nais nilang maipagpatuloy ng pangulo ang giyera nito laban sa ilegal na droga, korapsyon at 10 point economic agenda.

Malaya aniya makakapamili ang pangulo ng makakatuwang o makakatambal niya bilang presidente.

Kasunod nito, natutuwa ang pangulo sa nag-uumapaw na suporta ng PDP-Laban sa kanya para tumakbo bilang bise presidente.

Hindi naman nakaligtas sa pangulo ang pagbatikos kay Sen. Manny Pacquiao na kung saan nag-init aniya ang kanyang ulo makaraang sabihin ng senador na triple pa ang korapsyon sa kanyang administrasyon.

Ani Duterte, ayaw niya ng korapsyon kung kaya’t marami na aniya siyang sinibak sa pwesto dahil dawit sa katiwalian pero aminado ito na hindi niya kayang lutasin ang korapsyon sa bansa sa maikling panahon.

Kaugnay nito, kung tumakbo man aniya sya sa pagka-vice president bibigyang solusyon niya ang problemang kinaharap ng bansa sa kasalukuyan tulad ng paghihirap na dala ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments