Manila Barangay Bureau, naglabas ng bagong panuntunan sa pag-iisyu ng quarantine pass

Naglabas ng bagong panuntunan ang Manila Barangay Bureau hinggil sa mga quarantine pass na iniisyu sa mga residente ngayong inextend muli ang Enhance Community Quarantine sa National Capital Region.

Ang bagong quarantine pass na manggagaling sa tanggapan ng Manila Barangay Bureau ay kinakailangang may pangalan at pirma ng Kapitan ng Barangay gayundin ang Police Commmunity Precint Commander na nakakasakop sa lugar.

Isang miyembro ng kada pamilya ang mabibigyan ng bagong quarantine pass kung saan dapat nasa edad 18 hanggang 59-anyos ang may hawak nito.


Ang mga senior citizen naman ay hindi mabibigyan ng quarantine pass at kung may nais silang bilihin na pangangailangan, ang mga barangay opisyal na ang bahala dito.

Ang mga nagta-trabaho sa pribado at gobyerno ay hindi na din kailangan ng quarantine pass pero kailangan pa din nilang ipresenta ang mga ID’s at certificate of employment.

Ang mga healthcare workers ay may mga sariling ID naman kaya’t hindi na din nila ito kailangan habang ang mga frontliners ng barangay ay bibigyan din ng sariling quarantine pass ID’s.

Ipapatupad naman ang number coding sa mga residente na may hawak ng quarantine pass kung saan ang mga control number na nagtatapos sa 1,3,5,7,9 ay maaari lamang lumabas ng lunes, miyerkules at biyernes habang kapag linggo ay mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Ang mga may hawak naman na control number na ang dulo ay 2,4,6,8 ay makakalabas lamang tuwing martes, huwebes at sabado habang ala-1:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi naman kapag linggo.

Bukod sa quarantine pass, kinakailangan na may hawak din na isa pang ID ang residente na lalabas ng kaniyang bahay.

Ang mga walang quarantine pass ay huhulihin ng mga otoridad at ang sinumang lalabag sa bagong panuntunan ng Manila Barangay Bureau ay mananagot sa batas at kukumpiskahin ang hawak nilang ECQ Pass.

Facebook Comments