
Pinapaimbestigahan ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon sa House Committee on Public Accounts ang Manila Bay Dolomite Beach project na pinondohan ng ₱389 million.
Hakbang ito ni Ridon makaraang sabihin ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na kabilang ito sa mga dahilan ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.
Sa inihaing House Resolution 56, ay tinukoy ni Ridon ang pahayag ng MMDA na nakabara ang Manila Bay Dolomite Beach project sa tatlong pangunahing drainage sa Faura, Remedios at Estero de San Antonio Abad sa Maynila.
Ayon kay Ridon, dahil sa Dolomite Beach ay napupuwersa ang tubig-ulan na dumaloy sa isang sewerage treatment plant na walang kakayahan na tanggapin ang malaking volume ng tubig-ulan.
Dagdag pa ni Ridon, ang Manila Bay Dolomite Beach Project ay hindi talaga parte ng Manila Bay Rehabilitation Master Plan, na inaprubahan ng dating National Economic Development Authority o NEDA.
Diin ni Ridon, walang ambag ang dolomite beach para proteksyunan ang Manila Bay coastal resources o mapigil ang pagbaha, erosion, at polusyon.









