Manila, Philippines – Aabutin ang pitong taon ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ibig sabihin, lalagpas pa ito sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte na nangakong gagawing kasing ganda ng Boracay ang look.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu – hahatiin sa tatlong bahagi o phases ang rehabilitasyon.
Nakapaloob sa programa ang pagsasagawa ng cleanup, water quality improvement, rehabilitation and resettlement at education and sustainment.
Sa ilalim ng Phase 1, lilinisin ang mga daluyan ng tubig o mga estero, babawasan ang fecal coliform level at toxic na inilalabas mula sa mga bahay at establisyimento.
Imamandato ang pagkakaroon ng sewage treatment plants sa government, commercial, industrial at educational establishments.
Sakop din ng Phase 1 ang pag-iinspeksyon sa mga lumang sewer lines, magbigay ng pansamantalang sanitation facilities para sa mga informal settlers at relocation sa mga ito at mahigpit na pagpapatupad ng solid waste management.
Sa Phase 2, isasailalim sa rehabilitasyon ang mga lumang sewer lines sa Metro Manila, pagpapatuloy sa relocation ng mga informal settlers, at matiyak ang pag-abot ng Maynilad at Manila Water ng 340 million liters per day sa 2022.
Sa Phase 3 o pinal na bahagi ay patuloy ang education and information campaign, law enforcement and monitoring at fast tracking o pagkumpleto ng sewerage system ng Metro Manila mula 2026 hanggang 2037.
Sa datos ng DENR, nasa 15% lamang o 2.4 million mula sa 16.3 million na populasyon ng Metro Manila ang konektado sa sewerage system.
Nasa 233,000 informal settler families na nakatira sa mga waterways ng Manila Bay ang direktang nagtatapon ng dumi sa tubig.