Naglabas ng abiso ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) na pansamantalang sarado ang Manila Central Post Office (MCPO) sa Lawton.
Ito ay dahil magsasagawa ang pamunuan ng MCPO ng disinfection at sanitation na bahagi ng kanilang safety measures laban sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Alvin Fidelson, PHLPost Public Information Officer, simula pa kahapon ay kanselado na ang operasyon ng MCPO kung saan magbabalik ang kanilang opisina sa Lunes, Hunyo 22, 2020.
Tuloy naman ang pagproseso ng mga Postal ID sa capturing post offices maliban na lamang sa MCPO na sasailalim sa disinfection.
Pansamantala rin na kinansela ang pagre-realease ng rushed Postal ID dahil kasama sa ginagawang safety measures o disinfection ng PHLPost ang printing office nito.
Aabisuhan na lamang ang mga aplikante kung kailan nila ito makukuha kung saan padadalhan na lamang sila ng mensahe sa pamamagitan ng text messages.
Matatandaan na una nang dinisinfect ng PHLPost ang mga sulat at parcel na posibleng pagmulan ng virus kapag ito ay mahawakan ng tao.