Magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng liquor ban, pagbabawal sa mga ambulant vendor at noise control bilang paghahanda sa darating na 2022 Bar Examinations.
Batay sa inilabas na Executive Order (EO) No. 48 series of 2022, ipapatupad ang mga nabanggit na paghihigpit sa loob ng 500-meter radius ng San Beda University (SBU); De La Salle University (DLSU); Mendiola at Taft Avenue.
Ang liquor ban ay ipapatupad sa mga sumusunod na petsa at oras:
Nobyembre 08, 12MN hanggang Nobyembre 09, 10PM
Nobyembre 12, 12MN hanggang Nobyembre 13, 10PM
Nobyembre 15, 12MN hanggang Nobyembre 16, 10PM
Nobyembre 19, 12MN hanggang Nobyembre 20, 10PM
Habang, ang pagbabawal naman sa mga ambulant vendor ay ipapatupad sa mga sumusunod na petsa at oras:
Nobyembre 08, 12MN hanggang Nobyembre 10, 12MN
Nobyembre 12, 12MN hanggang Nobyembre 14, 12MN
Nobyembre 15, 12MN hanggang Nobyembre 17, 12MN
Nobyembre 19, 12MN hanggang Nobyembre 21, 12MN
Samantala, inilabas din ng Manila-LGU ang mga kalsada na isasara kaugnay pa rin sa
2022 Bar Examinations sa dalawang unibersidad.
Batay sa abiso, sarado ang mga kalye na malapit sa SBU ay ang mga sumusunod:
Mendiola Street — sarado mula 2AM hanggang 8AM at 4PM hanggang 7PM
Concepcion Aguila Street — isang lane lang ang bukas para sa mga awtorisadong sasakyan (mga residente sa loob ng lugar lamang)
1st, 2nd, 3rd, at 4th Street — sarado mula 2AM hanggang 7PM
Mayroon naman alternatibong ruta mula sa Ramon Magsaysay Boulevard papunta sa Legarda Street.
Habang, sarado naman ang mga kalye na malapit sa DLSU ay ang mga sumusunod:
Taft Avenue Northbound — sarado mula 2AM hanggang 8AM at 4PM hanggang 6PM
Taft Avenue Southbound — sarado mula 2AM hanggang 7PM
Para naman sa alternatibong ruta, kung papunta sa Southbound ay pinapayuhan ang mga motorista na kumanan sa Quirino Avenue, kumaliwa sa Adriatico Street at kumaliwa sa P. Ocampo Street patungo sa kanilang destinasyon.
Samantala, ang mga patungo naman sa Northbound ay dapat kumanan sa Ocampo Street, kumaliwa sa Arellano Street, kumaliwa muli sa Estrada Street at kumanan sa Taft Avenue.
Nagbabala ang Manila-LGU na makakaranas ng mabigat na trapiko sa mga nasabing araw at oras.