Manila City Jail, naghahanda na para sa pagboto ng mga PDL

Naghahanda na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Manila City Jail para sa pagboto ng mga person deprived of liberty o PDL sa 2022 elections o sa darating na Lunes, May 9, 2022.

Ayon kay Jail Officer 1 Elmer Jacobe, nagdaos na sila sa Manila City Jail ng “dry run” o rehearsal ng pagboto ng mga PDL.

Ito ay bilang parte ng preparasyon para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang aktwal na botohan sa loob ng kanilang pasilidad.


Tiniyak rin ni Jacobe na kabilang sa inilalatag ng BJMP-Manila City Jail ay ang mga health at safety protocol kontra COVID-19 na susundin ng PDLs sa kanilang pagboto.

Bakunado na laban sa COVID-19 at may 1st booster shot na rin ang mga PDL sa Manila City Jail pero nais lang masiguro ng pamunuan nito na ligtas ang lahat sa COVID-19.

Sinabi pa ni Jacobe na batay sa tala ng mga rehistradong botante sa Manila City Jail, nasa 85 ang mga PDL na lalaki, habang 56 naman ang mga PDL na babae.

Noong nakalipas na taon, nagkaroon ng on-site voters registration sa Manila City Jail sa pangunguna ng Commission on Elections Third District para makaboto ang mga PDL lalo na’t karapatan rin nila ito sa ilalim ng Saligang Batas.

Facebook Comments