Manila City Mayor Isko Moreno, muling hinihikayat ang mga medical frontliner na magpabakuna matapos dumating ang bagong suplay ng mga bakuna

Muling nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga medical frontliners sa lungsod na magpabakuna na.

Ito’y upang magkaroon ng panlaban kontra COVID-19.

Ang panawagan ng alkalde ay kasunod ng pagdating ng 1,870 vials ng Sinovac vaccines at 1,000 vials ng AstraZeneca vaccines na kasalukuyang nasa cold storage sa Sta. Ana Hospital.


Dahil dito, hinihikayat ni Mayor Isko ang mga medical frontliners na huwag nang aksayahin ang pagkakataon na mabakunahan ng libre lalo na’t may ilang mga non-medical personnel ang may nais din na makatanggap nito.

Napag-alaman mula sa Manila Health Department na nakapagtala sila ng 102 na medical frontliers na nahawaan ng COVID-19 kung saan 92 ang hindi nabakunahan habang ang 10 ay bumubuti na ang kalagayan dahil na rin sa bakuna na kanilang natanggap.

Iginiit pa ni Yorme na maaari nang makapili ang mga medical frontliners mula sa anim na district hospitals ng nais nilang bakuna kung saan sa kanilang datos ay umabot na sa 2,500 ang nabakunahan kontra virus.

Sinabi ng alkalde na may ilang barangay health workers sa lungsod ng Maynila ang nabakunahan na sa Philippine General Hospital (PGH) sa tulong ni Dr. Gerardo Legaspi na director ng hospital.

Gagawin naman ang pagbabakuna gamit ang Astrazeneca sa Ospital ng Maynila hanang Sinovac naman ang gagamitin sa Sta. Ana Hospital.

Facebook Comments