Idineklara na ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno ang tuluyan nang implementasyon ng lockdown sa buong Sampaloc sa Maynila.
Ayon kay Moreno, nilagdaan na niya ang executive order para sa “hard lockdown” sa buong distrito ng Sampaloc.
Sa ilalim ng nasabing EO, 48-oras na isasailalim sa “hard lockdown” ang Sampaloc District para sa disease surveillance, rapid risk assessment at testing operations sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.
Epektibo ang “hard lockdown” simula alas-otso ng gabi sa April 23, araw ng Huwebes, na tatagal hanggang alas-otso ng gabing April 25, araw ng Sabado.
Sa ilalim ng shutdown, ang lahat ng residente ng Sampaloc District ay pagbabawalang lumabas ng kanilang mga bahay.
Exempted naman sa Sampaloc lockdown health workers, law enforcement, government emergency frontliners, mga nagtatrabaho sa mga botika, barangay chairpersons, secretaries, treasurers, kagawads, executive officers at IATF-accredited media workers
Lahat naman ng commercial, industrial, retail, institutional at ilang mga aktibidad na hindi nabanggit sa exemption ay suspendido sa loob ng hard lockdown.
Ayon kay Moreno, ang mga mahuhuling lalabag sa 48-hour total lockdown ay ilalagay sa isang sports complex at mananatili doon hangga’t epektibo executive order.
Sa tala ng Manila Health Department at Manila Local Government Unit (LGU), 99 na ang positibong COVID-19 cases sa Sampaloc area at mayroong 159 na suspected cases.