Sumalang na sa unang dose ng Sinovac vaccine si Manila City Mayor Isko Moreno.
Mismong si Vice Mayor Honey Lacuna, na isang doktor, ang nagsagawa ng pagbabakuna sa alkalde.
Tulad ng ibang sasalang sa pagbabakuna, dumaan din sa proseso si Moreno kung saan ikinasa ang pagbabakuna sa President Sergio Osmeña High School sa Tondo, Maynila.
Nabatid na nagdesisyon si Moreno na sumalang na sa pagbabakuna matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan ng mabakunahan kontra COVID-19 ang mga alkalde sa mga syudad at munisipalidad na nasa high risk dahil sa pagtaas ng kaso ng virus.
Ayon kay Moreno, malaking tulong sa panghihikayat sa publiko ang ginawang hakbang ng pamahalaan na payagan nang mabakunahan ang mga lokal na opisyal na tulad niya kung saan hinihikayat niyang muli ang lahat na sumalang na rin sa pagbabakuna.
Ito’y para magkaroon ng proteksyon ang bawat isa laban sa COVID-19 at mapangalagaan ang anumang sektor na kanilang kinabibilangan.
Pero aminado ang alkalde na sa ngayon, nagkukulang na ang suplay ng bakuna pero tiniyak na kapag may dumating, agad itong ipamamahagi sa mga nasa priority list.
Samantala, patuloy na ikinakasa ng lokal na pamahalaan ang kanilang vaccination rollout para mga residente nila na may comorbidities na ang edad ay nasa 18-59 taong gulang.
Isinasagawa ang pagbabakuna sa President Sergio Osmeña High School, Ramon Magsaysay High School at Justo Lucban Elementary School.
Ang mga pasyente naman ay kinakailangan na magpakita ng medical certificate, recent prescription of medicine, surgical abstract o discharge summary at anumang patunay na sila ay may comorbidity.