Manila, Philippines – Sisimulan na sa huling kwarter ng taon ang P255-billion na Manila-Clark railway project.
Kahapon, minarkahan na ng Department of Transportation (DOTr) ang lima sa 17 istasyon ng nasabing railway system na magdurugtong sa Maynila at Central Luzon.
Kabilang rito ang Marilao, Meycauayan (Bulacan), Valenzuela, Caloocan at Tutuban.
Ayon kay DOTr sec. Arthur Tugade – popondohan ng Official Development Assistance (ODA) mula Japan ang proyekto na inaasahang matatapos sa taong 2021.
Oras na matapos, aabot na lang sa 55 minuto mula sa dating dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe mula maynila hanggang pampanga.
Bukod sa bidding at procurement process, inaayos na rin ng DOTr ang maaaring maging usaping legal pagdating sa isyu ng right of way.
Ayon naman kay MMDA Chairman Danilo Lim — buo ang suporta nila sa railway system na aniya’y malaking tulong para masolusyunan ang problema sa trapiko.