Nakahanda na ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office o DRRMO sa posibleng epekto ng paparating na bagyo sa bansa.
Ayon kay Arnel Angeles, ang hepe ng Manila DRRMO, maaga pa lamang ay may nakalatag na silang preparasyon.
Kabilang dito ang mga equipment na naka-standby tulad ng mga bangka, lubid, outboard motor, life vest at iba pang gamit, pati mga ambulansya, mobile kitchen at iba pang kinakailangang sasakyan.
Kaugnay nito, magdaros ng pre-disaster meeting ang Manila DRRMO para talakayin ang iba pang hakbang na gagawin.
Sinabi pa ni Angeles, tutukuyin dito kung gaano karami ang ide-deploy nilang mga tauhan.
Sa mga nakalipas na bagyo na tumatama sa Maynila, karaniwang binabantayan ay ang Isla Puting Bato, Baseco at mga estero na may nakatirang informal settler na mga pamilya.