Ikinalungkot ng Manila Department of Social Welfare (DSW) ang napabalitang pag-aresto sa isang lola matapos na hindi sumunod sa ipinapatupad na curfew sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Ma. Asuncion Fugoso, direktor ng Manila DSW, hindi sana nangyari ang ganitong sitwasyon kung sumusunod na lang sana ang bawat residente sa Maynila.
Bagamat marami pa din informal settler at street dwellers na pagala-gala, gumagawa na ng paraan ang Manila DSW para masagip ang mga ito at hindi na ulit mangyari ang ganitong uri ng insidente.
Sa katunayan, nahiram ng Manila DSW sa lokal na pamahalaan ang Delpan Evacuation Center para maging pansamantalang tuluyan ng kanilang mga masasagip.
May nakahanda ring pagkain ang Manila DSW para sa mga pamilya o indibidwal na nasa evacuation center.
Dagdag pa ni Fugoso, may ibang tao naman na nagsasabing may bahay naman daw sila kaya’t, pinapauwi nila ang mga ito para maiwasang mahawa ng COVID-19.
Nabatid na marami pa din informal settler at street dwellers ang makikita sa bahagi ng Recto Avenue, Blumentritt, Quirino Avenue at Roxas Boulevard kung saan Kanya-kanyang silang pwesto sa bangketa at ang iba ay naglatag lamang ng karton sa kalsada o sahig.
Pero sinabi ni Fugoso na hangga’t kaya, sasagipin nila ang mga ito para iwas COVID-19 at iwas-huli dahil sa curfew.