Manila DSW, muling nagsagawa ng rescue operations sa mga street dwellers

Muling nagsagawa ng rescue operations o pagsagip sa mga street dweller sa Baywalk sa Roxas Boulevard ang Manila Department of Social Welfare (DSW).

Ito ay bilang bahagi ng mga hakbang kaugnay sa Enhanced Community Quarantine kontra coronavirus disease (COVID-19).

Kabilang pa sa mga na-rescue ay isang lalaki na sinasabing na-stroke at binabantayan lamang ng kanyang mga kaibigan.


May isa namang babae na nagpumiglas at ayaw sumama sa mga rescuer.

Ayon kay Erwin Manuguit, isa sa mga social worker ng Manila DSW, patuloy ang kanilang pagsagip sa mga palaboy sa Roxas Boulevard at iba pang lugar sa lungsod ng Maynila dahil sila ay “at risk” o may banta rin ng anumang sakit, gaya ng COVID-19.

Ang mga nasagip ay dinadala sa Delpan Sports Complex upang doon pansamantalang manuluyan.

Sa ngayon, inaasahan ng Manila DSW na dadami ang mga nasa evacuation center dahil sa patuloy na rescue operations.

Kahapon ay nasa higit dalawampu na ang na-rescue at nadagdagan pa ito dahil sa naging operasyon ngayong araw.

Ang mga may bahay naman, pupwedeng umuwi basta at magpakita ng katibayan.

Nauna nang sinabi ni Manila DSW Chief Ma. Asunsion Fugoso na habang nasa evacuation center ang mga street dweller ay bibigyan sila ng libreng-pagkain.

Facebook Comments