Manila Health Department, muling hinihimok ang bawat Manileño na mag-ingat at sumalang na sa booster shot kontra COVID-19

Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila, muling pinag-iingat ng lokal na pamahalaan at ng Manila Health Department ang bawat residente nito.

Sa inilabas na datos ng Manila Health Department, sa kasalukuyan ay nasa 71 kaso ang naitala sa lungsod matapos makapagtala ng bagong walong nahawaan ng nasabing sakit.

Kaugnay niyan, muling hinihimok ng Manila Local Government Unit ang bawat Manileño na sumalang na sa booster shot.


Nabatid kasi na sa datos ng Manila Health Department, nasa 593,876 ang naturukan na ng booster mula sa 1,721,608 na bilang ng nakatanggap ng second dose.

Iginiit ng lokal na pamahalaan na mahalagang maturukan ng booster upang magkaroon ng dagdag na proteksyon sa COVID-19 at sa iba’t ibang variant nito.

Paliwanag pa ng Manila Health Department, samantalahin na sana ng mga residente at mga hindi residente pero nagtatrabaho sa lungsod ang pagpapaturok ng booster habang mayroon pa silang sapat na suplay ng iba’t ibang brand ng bakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments