Tiniyak ng Manila Health Department (MHD) sa publiko na ligtas ang mga bakuna kontra COVID-19.
Ito ang paalala ni Dr. Arnold Pangan na siyang head ng MHD kasabay na rin ng panawagan sa libu-libong health care frontliners na magpabakuna na para sa kanilang proteksiyon at kaligtasan.
Ayon pa kay Dr. Pangan, 4,000 ng medical frontliners ang nakapagpabakuna na ngunit marami pa rin ang hindi o ayaw pang magpabakuna laban sa COVID-19.
Matatandaan na kahapon ay nagsagawa ng sabay na pagbabakuna sa mga health care workers sa Sta. Ana Hospital at sa Ospital ng Maynila kung saan daan-daan ang pumila upang mabakunahan.
Sinabi pa ni Dr. Pangan sa mga medical frontliners ng anim na ospital ng lungsod at mga tauhan ng Manila Health Department na ito na ang panahon upang magpabakuna na sila lalo na at marami silang mga kasamahan na tinamaan ng virus kung saan karamihan sa mga ito o 90 percent ay hindi pa bakunado.
Aniya, wala rin katiyakan kung kailan darating ang mga bakuna kaya habang may pagkakataon pa ay samantalahin na dahil maaaring sa susunod ay hindi na sila ang maging prayoridad.
Tinatayang 836 healthcare workers ang mababakunahan ng Sinovac habang 528 medical frontliners ang makakatanggap ng bakuna ng Astrazeneca kung saan ang suplay nito ay natanggap ng lokal na pamahalaan nitong nakaraang araw.
Sa pinakahuling datos ng MHD, 3,947 healthcare workers ang naturukan na pero target ng city health department na mabakunahan ang 5,000 pang medical frontliners.