Manila LGU, aminadong hindi na sapat ang hawak na suplay ng mga medical oxygen tank

Muling pinag-iingat ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente nito sa patuloy na banta ng COVID-19.

Ito’y kahit pa bahagyang bumaba ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 sa lungsod na kasalukuyan ay nasa 1,247 na lamang.

Nabatid na ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno, malapit nang maubos ang hawak nilang suplay na medical oxygen tank na kanilang ginagamit sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.


Aniya, kung sakaling lumobo ulit ang kaso ng nasabing sakit, maaaring hindi na sapat ang hawak na suplay ng lokal na pamahalaan partikular ng Manila Health Department ng oxygen tanks.

Kaugnay nito, hinahamon ng alkalde ang suppliers o manufacturers ng mga medical oxygen tank na maglabas ng sapat na suplay nito para matugunan ang mga kasalukuyang pangangailangan.

Matatandaan na ang ibang medical supplies stores sa Bambang Street sa Sta. Cruz, Maynila ay kasaluluyang nagbebenta ng mga oxygen refills dahil sa mababang suplay ng mga bagong oxygen tanks.

Ang kada refill ng 50-lb. na oxygen tank ay nasa P370 habang ang refill ng WH 15-lb. at 20-lb. na oxygen tank ay nasa P220.

Facebook Comments