Naglabas ng paalala ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) sa mga magtutungo sa mga sementeryo na huwag kalimutan dalhin ang mga vaccination card.
Nabatid kasi na nais ng Manila LGU at MPD na masiguro na ang mga dadalaw sa mga sementeryo ay pawang mga bakunado na o kaya ay nakatanggap ng booster shot.
Ito’y upang maging ligtas ang bawat isa sa banta ng COVID-19 na hindi pa rin nawawala sa bansa.
Matatandaan na hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga hindi pa bakuna at hindi pa nakakakumpleto ng bakuna na huwag ng magtungo sa Manila North at South Cemetery dahil siguradong magsisiksikan dito lalo na’t maluwag na ang restrictions kontra COVID-19.
Sinabi naman ni Roselle Castaneda ang officer-in-charge ng Manila North Cemetery, bago makapasok sa main gate, may inspection area na pawang mga pulis ang naka-assign para mag-inspect ng vaccine card.
Ang mga tauhan ng MPD ang magbabantay sa gate kaya’t siguradong hindi makakapasok ang mga bata may edad 12 pababa.
Sinabi naman ni MPD Spokesperson Police Maj. Philipp Ines, nasa 700 tauhan ng MPD ang ide-deploy sa October 31 habang November 1 at 2 nasa 1,500 pulis ang kanilang ide-deploy.
Paalala rin ng MPD na bawal magdala ng patalim, baril, at ano mang matutulis na bagay at bawal din ang flammable materials, alak, mga bagay na lumilikha ng malalakas na ingay at ang pagsusugal.