Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Police District (MPD) ang mga bibisita sa Manila North Cemetery na kung maaari ay pagsuotin ng name tags at ID na may contact numbers ang mga batang isasama sa pagdalaw.
Giit ng MPD, malaking tulong ito sakaling mapalayo ang mga bata sa mga magulang at guardian kung saan mapapadali rin ang pagtunton ng mga pulis sa kanila.
Bago naman papasukin ang mga may kasamang bata, pinaparehistro muna sa booth ng Manila Department of Social Welfare upang malaman agad kung sino ang pupuntahan o tatawagan.
Bukod dito, umapela rin ang MPD sa mga dalaw na isumbong sa mga nagpapatrolya at nakakalat na pulis sa loob at labas ng sementeryo ang mga makikita nilang illegal na bagay at aktibidad.
Kabilang na rito ang makapagpapalusot ng nakalalasing na inumin, mga nagsusugal at iba pa.
Sa entrada pa lamang ng Manila North, hinaharang na ang lahat ng flammable na kemikal tulad ng pabango bagama’t pinapayagan ang nasa maliliit na sisidlan ng alcohol.
May e-trike naman na inilaan ang Manila LGU para sa libreng sakay sa mga nakatatanda, may kapansanan, buntis at may mga kasamang maliliit na bata.