Manila LGU, binigyan ng palugit ang DPWH para matapos ang pagsasa-ayos ng Lagusnilad

Binigyan na ni Manila City Mayor Honey Lacuna ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng palugit ng hanggang November 15 para matapos ang pagsasa-ayos sa Lagusnilad sa harap lang ng Manila City Hall.

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Lacuna, pinaghatian ng lokal na pamahalahaan ang pondo para maisaayos ang Lagusnilad na dapat ay responsibilidad ng DPWH ngunit sa matagal na panahon ay napabayaan.

Nagbigay ng P50 milyong pondo ang Manila LGU habang P25 milyon lamang ang iniambag ng DPWH.


Nabatid na natapos na ng lokal na pamahalaan ang rehabilitasyon ng porsyon na nakatalaga sa kanila nitong Setyembre habang tinatapos pa rin ng DPWH ang porsyon nila.

Wala pa naman tugon ang DPWH kung maaabot ba nila ang deadline at hindi rin nila maipaliwanag kung bakit hindi pa tapos ang kanilang pagkukumpuni.

Matatandaan na sinimulan amg pagsasa-ayos sa Lagusnilad noong buwan ng May at inisyal na itinakda ang pagbubukas nito ay dapat noong nakaraang September.

Kasalukuyan itong nagdudulot ng matinding pagsikip sa daloy ng trapiko dahil sa hindi ito madaanan at umiikot pa ang mga sasakyan kaya’t apektado ang ibang ruta.

Facebook Comments