Manila LGU, handang tulungan ang mga pasyente na hindi matatanggap sa ER ng PGH

Handa ang lokal na pamahalaan ng Maynila na saluhin o tulungan ang mga pasyente na pansamantalang hindi tatanggapin o i-aadmit sa emergency room (ER) ng Phililppine General Hospital (PGH).

Sa pahayag ni Mayor Isko Moreno, bukas at maaaring magtungo ang mga pasyente sa anim na hospital na nasa ilalim ng pangangalaga ng Manila LGU.

Kabilang dito ang Ospital ng Maynila Medical Center, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Tondo, Gat. Andres Bonifacio Medical Center, Sta. Ana Hospital, at Justice Abad Santos General Hospital.

Aniya, maaaring magtungo sa nabanggit na hospital ang mga pasyente kung saan kumpleto ang mga kagamitan at pasilidad ng mga ito.

Ang mga residente naman na nais magpagamot ay hinikayat din na magtungo sa mga hospital na hawak ng lokal na pamahalaam.

Matatandaan na una nang inanunsyo ng PGH sa kanilang Facebook page na ang kanilang emergency room ay lumagpas sa kapasidad ng 400% o mahigit 300 na bilang pasyente na nagsisiksikan sa pasilidad na para lamang sa 75 indibidwal.

Facebook Comments