Manila LGU, hinihikayat ang mga illegal POGO na magkusa nang itigil ang operasyon

Hinihimok ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga operator ng ilegal na POGO na kusang-loob nang simulan ang proseso ng pag-alis at pagtigil ng kanilang mga operasyon.

Ito’y kasunod ng raid na isinagawa ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), NCRPO at MPD sa sinasabing “mother of all scam” hub ng POGO sa Century Peak Tower sa Adriatico Street, Maynila.

Giit ni Mayor Lacuna, huwag nang hintayin pa ang deadline na ibinigay kung saan ang lahat ng may-ari ng gusali ay kaniyang hinihikayat na kumilos upang suriin ang mga kasunduan sa mga nangungupahan.


Aniya, ang lungsod ng Maynila ay handang tumulong sa mga may-ari ng gusali at mga lehitimong negosyo na naapektuhan ng pagsasara ng mga ilegal na POGO.

Ang mga tanggapan ng lungsod, kabilang ang Public Employment Service Office (PESO), ay handang tumulong sa mga naapektuhang Pilipino na manggagawa na makahanap ng bagong mga oportunidad sa trabaho.

Kaugnay nito, nagbigay nang matinding babala si Mayor Lacuna sa mga may-ari ng gusali sa buong lungsod na agarang tapusin ang mga kontrata sa mga ilegal na POGO.

Ang desisyon ng alkalde ay bilang pagpapakita ng suporta sa kautusan ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. na ipasara ang lahat ng POGO bago ang December 31, 2024.

Facebook Comments