Hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga hindi pa bakunadong indibidwal na maiging huwag nang magtungo sa mga sementeryo.
Maging ang mga hindi pa nakakakumpleto ng bakuna ay inaabisuhan rin na huwag nang bumisita sa mga sementeryo sa panahon ng Undas mula sa October 29 hanggang November 22, 2022.
Nabatid na inaasahang dadagsa ang mga nais dumalaw sa Manila North at South Cemetery sa mga nabanggit na araw kaya’t para maiwasan ang hawaan ay maiging huwag ng magtungo ang hindi bakunado at hindi pa kumpleto ang pagbabakuna.
Muli rin paalala ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na huwag nang isama pa ng mga magulang ang mga batang may edad 12 taong gulang pababa dahil hindi ito pababayaan na makapasok sa mga sementeryo.
Mula October 29 hanggang November 2, 2022 bukas ang mga sementeryo na sakop ng Maynila mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Inaabisuhan rin ni Mayor Honey, ang mga dadalaw na magdala ng sariling pagkain dahil hindi papayagan ang mga vendors sa Manila North at South Cemeteries.