
Handang tumalima ang lokal na pamahalaan hinggil sa naaprubahang regulasyon sa pagbabawal sa pagparada ng lahat ng uri ng sasakyan sa mga pangunahing lansangan at national secondary roads.
Ito’y matapos maipasa ng Metro Manila Council ang regulasyon sa ilalim ng MMDA Regulation No. 25-001 o ang “Harmonizing Public Street Parking sa Metro Manila.
Sa ilalim ng regulasyon, ipagbawal ang pagparada mula alas-7 hanggang alas 10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi sa mga pangunahing lansangan.
Pero ayon kay Mayor Isko Moreno, hindi siya papayag na total ban sa mga pagpaparada ng sasakayan dahil maaapektuhan ang ekonomiya sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila tulad na lamang sa Chinatown.
Giit pa ng alkalde, kailangan mapag-aralan nang husto ang planong total ban sa pagpaparada ng sasakyan kung saan ipinaliwanag nito na may mga lugar sa Maynila ang itinalaga nila na non-negotionable sa usapin ng parking.
Bukod dito, handa rin ang Manila LGU na maglatag ng plano para hindi maapektuhan ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada at mabuhay lanes lalo na sa pagsapit ng panahon ng kapaskuhan.









