Manila LGU, iginiit na dapat sundin ang suspensyon ng pass-through fees base sa utos ni PBBM

Iginiit ng lokal na pamahalaan ng Maynila na dapat mahigpit na sundin ang suspensyon ng pagsingil o koleksyon ng “pass-through fees” para sa mas maayos na paghahatid ng mga produkto.

Ito ay kasunod ng ilang sumbong ng mga maggugulay sa Divisoria na hindi raw nasusunod ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matatandaan na inilabas ng Pangulong Marcos ang Executive Order No. 41 upang mas mapalakas pa ang sektor ng agrikultura at matiyak ang seguridad sa pagkain.


Ayon kay Rocky Bautista, isa sa mga may pwesto sa Divisoria, maganda ang desisyon ni Pangulong Marcos Jr., ngunit may pagkakataon na hindi ito sinusunod sa Maynila.

Bilang tugon, sinabi ni Atty. Princess Abante, ang tagapagsalita ni Manila Honey Lacuna-Pangan, kakalap sila ng detalye hinggil sa mga hinaing ng mga maggugulay sa Divisoria.

Kakausapin din niya ang Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB, na naatasang ipatupad ang kautusan ng pangulo.

Paalala ni Abante, suspendido na ang paniningil ng pass-through fees sa mga truck na nagdadala ng mga pangunahing produkto.

Maliban dito, sinabi ni Abante na mabuting sumunod ang lahat sa mga batas-trapiko at iba pang ordinansa.

Facebook Comments