Manila LGU, ipinag-utos na ang evacuation sa ilang mga residente sa lungsod

Ipinag-utos na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang paglikas ng mga naninirahan sa mga mapanganib at mababang lugar dahil sa banta ng Bagyong Pepito.

Ang mga pamilyang naninirahan sa mga mapanganib na lugar tulad ng baybaying dagat ng Baseco, sa Parola 1 at 3, at mga naninirahan sa mga Barangay 101, 105, 128 at 598 inaatasang lisanin pansamantala ang kanilang lugar at magtungo sa pinakamalapit na evacuation center.

Kabilang sa mga paaralan na gagamiting pansamantalang tuluyan ang Benigno Aquino High School, Corazon Aquino High School, Herminigildo J. Atienza Elementary School, Rosauro Almario Elementary School, Pedro Guevarra Elementary School at ang Delpan Evacuation Center.


Ang mga may-ari at kontraktor ng mga billboards ay inaatasan ding baklasin muna ang kanilang naka-display sa labas na patalastas upang maging ligtas ang publiko.

Suspendido naman ang National Service Training Program (NSTP) at graduate school sessions sa mga pribado gayundin sa pampublikong paaralan.

Ang Move Manila na ginaganap tuwing Linggo sa Roxas Boulevard ay kinansela na rin kasabay ng pagpapaalala sa mga residente na mag-ingat.

Facebook Comments