Inanunsiyo ng Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na magbibigay sila ng premyo sa dalawang Manileñong nagpamalas ng kanilang galing sa nagpapatuloy na 2024 Paris Olympics.
Ayon sa Manila City government, dalawang milyong piso ang naghihintay kay Carlos Yulo kung saan tig-isang medalya ito para sa kaniyang napanalunan.
Layon nitong bigyang pagkilala ang kaniyang talento, dedikasyon at kontribusyon sa larangan ng pampalakasan.
Nakaukit na anila sa kasaysayan ang pagkapanalo ni Yulo ng dalawang gold medal na nagpabilib hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa.
Samantala, kalahating milyong piso naman ang naghihintay na premyo kay EJ Obiena na nagtapos sa ika-apat na pwesto sa pole vault.
Pasasalamat ito kay Obiena sa pagtatyaga at pagbibigay ng inspirasyon sa mga batang atleta sa lungsod.
Sina Obiena at Yulo ay parehong tubong Maynila na patunay na lahat ay kayang maabot basta’t mayroong dedikasyon, disiplina at suporta mula sa komunidad.