Naglabas ng abiso ngayon ang lokal na pamahalaan ng Maynila na pansamantala munang sarado ang ilang pasilidad ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ngayong araw ng Huwebes.
Partikular na sarado ang OR complex ng nasabing hospital na kinabibilangan ng Operating Room, Labor Room-Delivery Room, Neonatal Intensive Care Unit at High Risk Unit.
Kasama rin sa isasara ngayong araw ay ang Surgery Ward ng Gat Andres Hospital.
Ito’y para bigyang-daan ang pagsasagawa ng paglilinis at disinfection ng mga pasilidad ng naturang hospital.
Matatandaan na sa huling datos na inilabas ng Manila LGU, umabot na sa 104% ang bed occupancy rate ng Gat Andres Hospital para sa mga pasyenteng may COVID-19 kung saan nasa 78 na ang okupado mula sa 75 na kamang inilaan dito.
Nabatid na nasa 150 lamang ang bed occupancy ng Gat Andres Hospital para sa lahat ng kanilang pasyente.
Magkaganoon pa man, mananatiling bukas ang emergency room ng Gat Andres hospital upang maghatid ng agarang pagangailangang medikal.