Naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga magulang ng mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang na isasailalim sa pagbabakuna sa Manila Zoo.
Sa abiso ng Manila Local Government Unit (LGU), kinakailangan na magparehistro rin sila upang makakuha ng libreng tiket para makapasok sa loob ng zoo.
Maaari nila itong gawin sa pamamagitan ng pag-log in sa manilazoo.ph.
Bukod dito, ipinagbabawal ang walk-in sa mga magpapabakuna Manila Zoo kung saan magsisimula ito ng ala-1:00 ng hapon at magtatapos ng alas-8:00 ng gabi.
Samantala, pinapayagan naman ang walk-in sa Bagong Ospital ng Maynila pero kailangang nakapagparehistro ang mga bata sa manilacovid19vaccine.ph at sisimulan ang pagbabakuna ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Naglaan naman ang lokal na pamahalaan ng tig-1,000 doses ng Pfizer vaccines sa dalawang venue ng pagbabakuna habang nasa 19,052 ang naitalang bilang ng mga bata na nagparehistro.