Umaapela si Mayor Honey Lacuna sa publiko na huwag sanang hayaan na maging makalat at maruming tingnan ang ilang mga parke sa lungsod ng Maynila.
Ang pahayag ng alkalde ay kasunod ng puspusang paglilinis na ikinakasa ng Manila Department of Public Service sa gitna ng nararanasang init ng panahon.
Ayon kay Mayor Honey, malayang makapapasyal ang publiko sa mga parke pero umaapela ito sa mga nais magtungo sa Arroceros Park.
Hiling ng alkalde na huwag sanang gambalin o hulihin ang anumang uri ng hayop na makikita sa nabanggit na parke lalo na’t marami na silang nakikita rito tulad ng mga ibon.
Giit ni Mayor Honey, ang Arroceros Park ang itinuturing na “Last Lung” ng lungsod ng Maynila.
Bukod dito, umaasa siya na sa mga darating na panahon ay madagdagan pa sana ang open spaces sa lungsod kung saan sa darating na pagdiriwang ng Araw ng Maynila ay hinihikayat niya ang lahat na makiisa sa gagawing tree planting.