Muling hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang bawat residente sa lungsod ng sumalang na sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Ito’y matapos na maitala ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod na sa kasalukuyan ay nasa 1,578 na.
Ayon sa datos ng Manila Health Department, nadagdagan rin ng 2 ang bilang sa mga namatay kaya’t nasa 1,398 na ang kabuuang bilang nito.
Sinabi ni Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan na ang dalawang nadagdag sa nasawi ay napag-alaman na hindi pa bakunado.
Kaya’t dahil dito, muling ipinaliwanag ni Dr. Pangan ang kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19 kahit ano pa ang brand nito.
Nabatid kasi na napag-alaman ng Manila Health Department na halos kalahati ng bilang o nasa 50% ng mga edad 18-anyos pataas sa ilang barangay sa lungsod ang hindi pa nababakunahan dahil karamihan sa kanila ay namimili ng bakuna.
Nasa 71,348 naman na ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19 sa Maynila habang ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ay nasa 74,244.