Manila LGU, muling magsasagawa ng clearing operations sa Manila North Cemetery

Manila, Philippines – Muling magsasagawa ng clearing operations ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Manila North Cemetery ilang araw bago ang Undas.

Ayon sa Manila Department of Engineering and Public Works, tuloy ang paggiba nila sa mga natitirang barong-barong sa loob ng nasabing sementeryo.

Papaalisin din nila ang inform settlers na ginawang bahay ang mga musuleo kahit pa sabihin ng mga ito na sila ang taga-bantay at taga-linis ng mga puntod.


Magiging puspusan na din ang gagawing paglilinis ng mga tauhan ng Manila Department of Public Safety kung saan naghigpit na din ng seguridad ang MPD.

May ilan na din ang maagang dumadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay habang ang iba naman ay patuloy sa paglilinis.

Paalala ng pamunuan ng Manila North Cemetery, hanggang bukas na lamang pwedeng maglinis at magpintura ng mga puntod kung saan payo nila na agahan ang pagpunta sa sementeryo at huwag ng magbitbit pa ng mga ipinagbabawal na bagay tulad ng alak, baraha, sigarilyo at matutulis na bagay.

Facebook Comments