Nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga motorista hinggil sa mga isasarang kalsada para sa 2023 Bar exam.
Nabatid na gaganapin ang Bar exam sa University of Santo Tomas at San Beda University sa Maynila sa September 17, 20, at 24.
Kaugnay nito, isasara ang ilang bahagi ng kalsada partikular sa Dapitan Street (mula Lacson Avenue hanggang P. Noval Street) at dalawang kalsada sa westbound ng España Blvd. (mula Lacson Avenue patungong P. Noval Street)
Sarado ang mga nabanggit na kalsada mula alas-3:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-3:30 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Mula alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-7:00 ng gabi ay isasara rin ang dalawang lanes ng Eastbound ng Legarda Street (mula San Rafael Street hanggang Mendiola); ang magkabilamg kalsada ng Mendiola Street (mula Peace Arch hanggang Malacañang Gate) at Concepcion Aguila Street (mula Mendiola papuntang Jose Laurel Street).
Inaaabisuhan ang lahat na maghanap ng alternatibong ruta sa mga petsa at oras na nabanggit upang hindi maantala ang biyahe.
Asahan naman ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga lugar at paligid ng mga unibersidad na pagdarausan ng bar exam kaya’t humihingi ng pang-unawa ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga motorista.